| Karapatan ng Kapitbahay |
|
|
|
| Written by Administrator |
| Thursday, 04 March 2010 19:42 |
|
“Sambahin ninyo ang Allah at huwag kayong magtambal ng anuman sa Kanya. Maging magalang kayo sa iyong mga magulang, kamag-anak, at mga ulila, mga nangangailangan, at maging sa iyong mga kapitbahay na iyong kaanak at mga hindi kaano-ano, at ganoon din sa mga naglalakbay at napadpad sa iyong lugar, at maging sa mga alipin na iyong pinamamahalaan. Katotohanan! Hindi mahal ng Allah ang mga mapagmataas at mayabang.” (Qur’an 4:36) Ayon naman sa sinabi ng Propeta ng Allah (sas) na ang kahulugan ay nagsasaad ng ganito; “Alam ba ninyo ang mga karapatan ng inyong kapitbahay? Kung siya ay humingi ng tulong, kailangang tulungan siya, kung siya ay nakaratay sa karamdaman, dalawin siya, kung may nangyaring maganda sa kanya, batiin siya, kung may masamang nangyari sa kanya, kalamayin ang kanyang kalooban; at kung siya ay namatay, makipaglibing. Huwag taasan ang iyong bakuran na halos ay harangan ang dadaanan ng hangin patungo sa kanila maliban na lamang kung siya ay may pahintulot. Hindi siya dapat inggitin sa amoy ng iyong pagkaing niluluto maliban na lamang kung siya ay bibigyan nito. At kung bumili ng mga pagkain, bigyan siya bilang regalo, nguni’t kung hindi ito magawa, dalhin ang pagkain sa iyong tahanan ng hindi nila nakikita at huwag payagan ang mga anak na kumain nito sa labas upang hindi mainggit ang iba pang mga bata na anak din ng iyong kapitbahay.” (Al-Khara’iti) Dapat na pagtiisan ng isang Muslim ang mga suliranin na idinudulot ng kanyang kapitbahay at lalong maging mabuti dito. Isang tao ang lumapit kay Abdullah Ibn Abbas (ra) at nagsabi: “Isang kapitbahay ko ang nagdudulot ng malaking problema sa akin. Ako ay kanyang iniinsulto at inilalagay ako sa isang kahihiyan.’ At si Ibn Abbas ay sumagot: ‘Kung sumuway siya sa Allah (sa pamamagitan ng pag-alipusta sa iyo), Sumunod ka sa Allah (sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabutihan sa kanya).” (Imam Ghazali, Ihyaa Ulum-ud-Din, Vol. 2, p.212) Kailangang igalang niya ang kanyang kapitbahay sakali’t ito ay maglagay ng tabing sa kanyang gusali at ito ay hindi niya dapat pagbawalan ayon sa sinabi ng Propeta (sas) na ang kahulugan ay nagsasaad ng ganito: “Huwag pigilan ang isang kapitbahay kung sakali’t ito ay maglagay ng tabing sa kanyang gusali.” (Bukhari at Muslim) Hindi niya dapat ipagbili o ipaupa man lamang ang isang ari-arian na katabi ng kanyang kapitbahay hangga’t hindi niya ito inalok sa kanya o di kaya ay alamin ang kanyang opinyon sa ganitong pagkakataon. Ito ay naaayon sa sinabi ng Propeta (sas) na ang kahulugan ay nagsasaad ng ganito: “Kung ang isa sa inyo ay may kapitbahay o katuwang sa isang sakahan o lupain, huwag itong ipagbili sa iba hangga’t hindi ito iniaalok dito (sa katuwang) na siya na ang bumili.” (Hakeem) Mayroon Tatlong Uri ng Kapitbahay: - Ang kapitbahay na iyong kamag-anak. Siya ay may tatlong karapatan; Bilang kamag-anak, kapitbahay at bilang isang Muslim. - Ang kapitbahay na isang Muslim: Siya ay may dalawang karapatan; Bilang kapitbahay at bilang isang Muslim. - Ang isang kapitbahay na hindi Muslim: Siya ay may isang karapatan; Bilang isang kapitbahay. Si Abdullah Ibn Umar (ra) ay nagpakatay ng isang tupa at siya ay tinanong ng kanyang kamag-anak: Binigyan mo ba ang ating Hudyong kapitbahay? Narinig ko ang sabi ng Propeta (ra) na ang kahulugan ay nagsasaad ng ganito: “Ang Anghel Gabriel ay palaging nagbabanggit at nagpapaalala sa akin tungkol (sa tungkulin ko sa aking kapitbahay) at dahil sa madalas niya itong gawin, akin tuloy naisip na marahil ay kabilang ito sa aking mga tagapagmana.” (Tirmidhi at Abu Dawood) |
| Last Updated on Thursday, 04 March 2010 19:47 |
Pinakamahalagang katotohanan na dapat alalahanin ay ang layunin ng buhay ng tao sa mundong ito. Huwag nating sayangin ang bawa’t panahon sa makamundong pagnanasa lamang. Hindi pa huli ang lahat upang magbalik-loob sa Allah. Read More