| ANG ISLAM… Bakit? |
|
|
|
| Written by Muhammad Taha Ali |
| Sunday, 05 October 2008 05:28 |
|
Ang paksa sa munting lathalain na ito ay ang pagbibigay paliwanag tungkol sa kahuli-hulihang ibinaba na pangkalangitang relihiyon. Sa pamamagitan nito binuo ng Allah ang relihiyon ni Moises at Hesus – nawa'y makamit nila ang kapayapaan – kaya't sa pamamagitan nito, pinawalan ng bisa at winakasan na ng Allah ang mga nauna ritong relihiyon. Relihiyon na ang yumayakap dito sa pandaigdigang antas ay hindi humigit at kumulang ng milyun-milyong tao ayon sa pinakahuling pagsasaliksik. Relihiyon na nag-uunahan ang mga tao sa pagyakap dito sa kabila ng kahinaan ng supurta nito, maging pangmateryal o pantao. Sinuman ang yumakap dito ay bihirang tumiwalag dito. ANO ANG ISLAM: Ang Islam ay ang pagsuko sa Allah at ang pagpapasailalim sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod at pagkalas sa Shirk (pagtatambal sa kaisahan ng Allah). 1. Relihiyon ng Kabaitan at Kaginhawahan. Ang Allah ay nagsabi: {Nais ng Allah ang kaginhawahan para sa inyo at hindi Niya nais ang kahirapan para sa inyo.} Al-Baqarah 2:185 2. Relihiyon ng Kaginhawaan ng kalooban at Kapanatagan ng puso. Ang Allah ay nagsabi: {Sila yaong mga naniwala at napapanatag ang mga puso dahil sa paggunita sa Allah. Katiyakan, dahil sa paggunita sa Allah ay napapanatag ang mga puso.} Ar-Ra'd 13:28 3. Relihiyon ng Habag at Pagkamaawain. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Ang mga mahahabagin ay kinahahabagan ng Ar-Rahman (ang Mahabagin). Kahabagan ninyo ang nasa lupa at kahahabagan kayo ng nasa langit.) Sunan At-Tirmethie 4. Relihiyon ng Pagmamahal at Paghahangad ng kabutihan sa sangkatauhan. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Ang pinakamahal ng Allah sa sangkatauhan ay ang labis na nakakapagdulot sa kanila ng kapakinabangan sa sangkatauhan.) Al-Mu`jam As-Sagheer. 5. Maliwanag na Relihiyon at Walang pag-aalinlangan. Sinabi ng Allah: {At wala Kaming ipinadalang Sugo na nauna sa iyo (O Muhammad (SAW)) maliban sa mga kalalakihan, Kami ay nagpapahayag sa kanila. Kaya't magtanong kayo sa mga may alam kung (ano ang) hindi ninyo alam.} An-Nahl 16:43 6. Relihiyon ng ganap na Pagkakapantay-pantay sa pagitan ng lahat ng tao at ang pagkahigtan ng ilan sa kanila sa iba dahil sa kabanalan. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Ang sangkatauhan ay pantay-pantay katulad ng mga ngipin ng suklay walang kalamangan ang isang arabo sa hindi arabo maliban sa kabanalan.) 7. Relihiyon ng Pangkalahatang Katarungan, na sumasaklaw sa lahat maging sa mga kalaban. Sinabi ng Allah: {At huwag na huwag madala ng inyong pagkapoot sa isang grupo upang di humatol ng katarungan. Humatol ng katarungan ito ang pinakamalapit sa kabanalan.} Al-Maidah 5:8 8. Relihiyon ng Kalayaan sa malawak na pakahulugan nito. Kalayaan sa paniniwala: Sinabi ng Allah: {Walang sapilitan sa Relihiyon.} Al-Baqarah 2:256 Kalayaan sa pag-iisip;
Ang matatag na pamantayang nagtutulak sa paggawa ng kabutihan at pagkilala sa Tagapaglikha.
Sinabi ng Allah: {Sabihin (O Muhammad (SAW)): Masdan ninyo kung ano ang nasa mga kalangitan at kalupaan.} Yunus 10:101
Kalayaan sa salita:
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Ang pinakadakilang Jihad (pakikibaka sa pakikipaglaban sa Landas ng Allah) ay ang pagsabi ng katotohanan sa harap ng Namumunong di-makatarungan.)
9. Relihiyon ng Pagkakaisa at Pagkabuklod-buklod.
Sinabi ng Allah: {At panghawakan ninyo ng mahigpit ang lubid (relihiyon) ng Allah nang sama-sama at huwag maghiwa-hiwalay}Al-`Imran 3:103
10. Relihiyon ng Pagdadamayan sa kabutihan.
Sinabi ng Allah: {At kayo'y magtulungan sa kabutihan at kabanalan, datapuwa't huwag magtulungan sa kasalanan at paglabag sa batas} Al-Maidah 5:2
11. Relihiyon ng Lahat, samakatuwid ito ay paanyayang pinaaabot sa buong daigdig at hindi lamang nabubukod tangi sa iisang nasyon.
Sinabi ng Allah: {At hindi ka Namin isinugo (sa iisang nasyon lamang) kundi para sa lahat ng sangkatauhan, bilang tagapaghatid ng magandang balita, at tagababala. Subali't napakaraming tao ang hindi nakakaalam. } Saba' 34:28
12. Relihiyon ng Kaganapan, samakatuwid ang mga naunang relihiyon ay ginawang ganap ng Allah sa pamamagitan nito at binigyan ng katapusan.
Sinabi ng Allah: {Sa araw na ito ay Aking binuo para sa inyo ang inyong relihiyon at ginanap sa inyo ang Aking Biyaya at pinili ang Islam para sa inyo bilang relihiyon} Al-Maidah 5:3
Ito ay binubuo ng iba't ibang uri ng pagsamba sa pamamagitan ng mga salita, kilos at paniniwala na siyang nagbibigay ng malaking turno sa pagkakabuo ng dakilang mga kaugalian, pagiging dalisay ng mga puso at pagkatatag nito, pagsasaayos at pagtutuwid sa bawat tao , pangangalaga sa pagkakaisa at pagkabuklod-buklod ng sambayanang Muslim.
Ang mga salita at gawa na pagsamba. Ito'y ang tinatawag na "Arkaanul Islam" (ang mga Haligi ng Islam):
Ito ay ang mga sumusunod:
Ash-Shahaadatain [ang dalawang Shahaadah (pagsasaksi)]:
Ito ay ang pagsasaksi na "Walang ibang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah" (Laa ilaaha illallaah), at ang pagsasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at sugo. At ito ang siyang susi at daan sa pagpasok sa pananampalatayang Islam.
Ang "Laa ilaaha illallaah" (walang ibang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah) ay nangangahulugan ng:
Walang Tagapaglikha ng lahat ng nilalang na ito maliban sa Allah.
Walang Nagmamay-ari at Nangangasiwa sa lahat ng nilalang na ito maliban sa Allah.
Walang sinasamba na karapat-dapat pagpapakumbabaan maliban sa Allah.
At ang kahulugan naman ng pagsasaksi na si Muhammad ay Sugo ng Allah. Ito ay ang pagsunod sa kanya sa lahat ng kanyang ipinag-uutos, ang pagpapatunay sa lahat ng kanyang naibalita, at ang pag-iwas sa lahat ng kanyang ipinagbabawal.
As-Salah (ang pagdarasal):
Isang kaugnayan sa pagitan ng alipin at ng kanyang Panginoon, nakakapanalangin siya rito nang taimtim at nakakapaghingi ng kapatawaran at nakakapaghiling ng tulong at kaluwagan at ito'y sa pamamagitan ng Salah (pagdarasal) ng limang beses sa loob ng isang araw sa mga takdang oras nito. Nananatiling nakikipag-ugnayan ang isang Muslim sa kanyang Tagapaglikha sa lahat ng oras nito. Ito ay isinasagawa ng mga kalalakihan sa Mosque nang sama-sama maliban kung may katanggap-tangap na kadahilanan. At sa pamamagitan nito nahuhubog at tumitibay sa pagitan nila ang mga bigkis ng pagmamahal at pagkakalapit ng kalooban at sa pamamagitan din nito ay nawawasak ang pagkakaiba ng iba't ibang mga tradisyon. Sapagka't ang lahat ng mga Muslim ay patayong nakahanay na magkakatabi, silang lahat ay nakaharap sa iisang dako (Qiblah) at sa iisang oras, ang lahat ay pare-parehong nagpapakumbaba sa Allah at nakatayo sa Harap Niya.
Az-Zakah (ang pagkakawanggawa):
Ito ay napakaliit na porsiyento sa kayamanan, ibinibigay ng isang Muslim na mayaman ayon sa mga naitakdang kondisyon nang bukal sa kalooban bilang pagpapatupad sa kautusan ng Allah para sa mga kapatid niyang mahihirap at nangangailangan, ang layunin ng Islam sa pagtatakda nito ay upang bigyang buhay ang kulay ng panlipunang pagdadamayan sa pagitan ng mga Muslim, mabigyan ng lunas ang kahirapan at maagapan ang pelegrosong mga bagay-bagay na maaring magiging bunga nito. At sa pamamagitan nito nagiging dalisay ang mga puso ng mayayaman mula sa katakawan sa pera at kasakiman at pinadadalisay nito ang mga puso ng mga mahihirap mula sa pagkapoot at pagkamuhi sa mga mayayaman. Sa tuwing nakikita nila sila, sila'y nangangako sa kanila na nakahandang tumustus at mag-abot ng kabutihan sa kanila.
Sawm Ramadhan (ang pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan):
Isang buwan sa loob ng isang taon na pinag-aayunuhan ng mga muslim sa pamamagitan ng pagpipigil nila sa mga nakasisira nito tulad ng pagkain, inumin at pakikipagtalik sa asawa. Simula ng pagsikat ng bukang liwayway hanggang sa paglubog ng araw at ito ay hindi isang makabagong kautusan sa Islam, bagkus ito rin ang siyang ipinag-utos ng Allah sa mga naunang pamayanan.
Sinabi ng Allah: {O kayong mga nanampalataya! Ipinag-utos sa inyo ang pag-aayuno katulad ng pag-kakautos sa mga nauna sa inyo. Nang sa gayo'y magkaroon kayo ng takot (sa Allah).}Qur'an 2: 183
Ang pag-aayuno ay isang masugid na pakikipagtunggali sa pagitan ng isang tao at ng kanyang sariling mga pithaya at layaw. Sa pamamagitan nito nadarama ng isang muslim ang mga pangangailangan ng mga kapatid niyang napagkaitan ng biyaya mula sa mga kapus-palad at nangangailangan, kaya't kusa niyang ipamamahagi ang kanilang mga karapatan at susuriin ang kani-kanilang mga pangangailangan.
Al-Hajj (ang paglalakbay sa Makkah na may layuning isagawa ang Hajj):
Ito ay ang paglalakbay sa Sagradong Tahanan ng Allah upang isagawa ang mga partikular na mga gawain, sa partikular na mga lugar, at sa partikular na mga oras bilang pagpapatupad sa kautusan ng Allah. Tungkuling ipinag-uutos sa lahat ng muslim na nasa wastong pag-iisip at gulang na isagawa ito minsan sa tanang buhay sa kondisyong may kakayahan sa pangangatawan at yaman.
Ang Allah ay nagsabi: {At para sa Allah tungkulin ng sangkatauhan na magsagawa ng Hajj sa (Kanyang) Tahanan (ang sagradong Ka'abah sa Makkah) sa sinumang may kakayahan pumarito, at sinuman ang nagtakwil nito. Katotohanan, ang Allah ay Malaya sa pagpapala ng (Kanyang) mga nilalang.} Qur'an 3:97
Ang Hajj ay itinuturing na isang dakilang pang-islamikong pagtitipon. Dito ay nagtitipon ang mga muslim sa iisang lugar, sa nakatakdang panahon, sila'y nananalangin sa Nag-iisang Panginoon, nakasuot ng iisang kasuutan, nagsasagawa ng iisang retuwal na gawain, walang pagkaiba sa pagitan ng mayaman at mahirap, mataas at mababa, maputi at maitim, arabo at banyaga. At ito'y walang iba kundi isang pagpapatunay sa pagkakapatiran ng lahat ng mga Muslim.
Ang mga paniniwala na pagsamba. Ito'y ang tinatawag na "Arkaanul Eemaan" (ang mga Haligi ng Paniniwala).
Ito ay ang mga sumusunod:
Ang Paniniwala sa Allah:
Nangangailangan ito ng paniniwala sa Kanyang pagkakaroon, at Siya ay Nag-iisang Diyos lamang, walang Siyang kaagaw sa Kanyang mga Gawa, sa Kanyang Pagka-diyos at sa Kanyang mga Pangalan at mga Katangian, sa Kanya ay walang katulad at walang kawangis. At Siya lamang ang tanging Tagapaglikha ng nilalang na ito at Tagapangasiwa nito, walang bagay na papangyarihin maliban kung ano ang nais Niya, at walang magaganap maliban kung ano ang ginusto Niya, at walang iba bukod sa Kanya ang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba.
Ang Allah ay nagsabi: {Sabihin (O Muhammad): Siya ang Allah ay Nag-iisa, ang Allah ang Siyang sandigan ng lahat, Siya ay hindi nagkaanak at hindi ipinanganak, at sa Kanya ay walang makatutulad.} Qur'an 112: 1-4
Ang paniniwala sa mga Anghel:
Ito ay ang paniniwala na ang Allah ay may maraming mga Anghel, walang nakakaalam sa kanilang bilang maliban sa Allah, sila'y nilikha ng Allah upang sumamba sa Kanya lamang.
Ang Allah ay nagsabi: {Hindi ipagkakaila kailanman ni Mesias `Isa na siya'y isang alipin lamang ng Allah at maging ang malalapit na mga Anghel (ay hindi rin magkakaila).} Qur'an 4:172
Ang mga Anghel na ito ay hindi mga kawangis ng Allah at hindi Niya mga anak. Bagkus nilikha sila ng Allah upang magtaguyod ng kanilang mga tungkuling ipinag-uutos sa kanilang tupdin.
Ang Allah ay nagsabi: {At sila ay nagsabi: "Ang Mapagpalang (Allah) ay nagtalaga ng anak na lalaki. Kaluwalhatian sa Kanya, bagkus sila (ang mga Anghel) ay mga aliping pinararangalan. Sila'y hindi nangunguna sa Kanya ng salita at kanilang ginagawa ang Kanyang ipinag-uutos.} Qur'an 21:26-27
Ang paniniwala sa mga Kasulatan:
Ito ay ang paniniwala na ang Allah ay tunay ngang nagpadala sa Kanyang mga Sugo ng pangkalangitang mga kasulatan mula sa Kanya, upang maipaabot ang mga ito sa sangkatauhan, nang sa gayon ay Kanyang maipaliwanag sa kanila ang Batas na kanilang sasambahin Siya sa pamamagitan nito, at isasaayos nito ang mga kalagayan ng kanilang kabuhayan.
Ang mga kasulatan na ito ay ang sumusunod:
1- Suhuf (ang Aklat) ni Ibrahim u 2-At-Tawrah, ito ay banal na Aklat na ipinahayag kay Musa 3-Az-Zabur, ito ay ang Aklat na ipinahayag kay Daud 4-Al-Injeel, ito ay banal na Aklat na ipinahayag kay `Iesa 5-Al-Qur'an, ito ay ang banal na Aklat na ipinahayag kay Muhammad (SAW) upang ito'y kanyang maihatid sa lahat ng sangkatauhan. Kaya't sa pamamagitan nito pinawalan ng bisa ng Allah ang mga naunang kasulatan dito.
Ang paniniwala sa mga Sugo:
Ito ay ang paniniwala na ang Allah ay pumili sa Kanyang nilalang ng mga Sugo at mga Propeta upang maihatid nila ang Batas ng Allah sa sangkatauhan nang sa gayon ay walang mapanghahawakang anumang katibayan o katuwiran ang sangkatauhan laban sa Allah pagkaraan ng mga Sugo. At dapat ding paniwalaan na sila'y nagtataglay ng mga katangiang nakahihigit sa sangkatauhan, sila'y hindi nagkakamali sa kanilang mga ibinabalita tungkol sa Allah. Sadyang napakarami ng mga Sugo at Propeta ng Allah, walang nakakaalam sa dami ng kanilang bilang maliban sa Allah, sila ay mga taong pinagkalooban ng Allah ng kahigtan sa pamamagitan ng Mensahe.
Ang Allah ay nagsabi: {At wala Kaming ipinadala na Sugo na nauna sa iyo (O Muhammad) maliban sa mga kalalakihan, Kami ay nagpapahayag sa kanila ng mga mensahe. Kaya't magtanong sa mga may kaalaman, kung hindi ninyo alam.} Qur'an 21: 7
Ang pinakauna sa kanila ay si Nuh (AS) at ang pinakahuli sa kanila at pangwakas ay si Muhammad (SAW).
Ang Paniniwala sa Huling Araw:
Ito ay ang paniniwala na ang buhay sa mundong ito ay may isang araw na magtatapos at malilipol ang lahat ng napaloloob dito.
Ang Allah ay nagsabi: {Lahat ng nasa ibabaw nito (kalupaan) ay malilipol. At ang Mukha ng iyong Panginoon na punung-puno ng Kamahalan at Karangalan ang matitira lamang.}Qur'an 55: 26-27
At susunod dito ang pagkabuhay muli at pagbangon mula sa libingan na kung saan ay pababangunin ng Allah ang lahat ng mga nilalang upang sila'y susulitin at ipagkakaloob sa kanila ang kabayaran ng kanilang mga gawa.
Samakatuwid pagkakalooban ang mga taong masigasig gumawa ng kabutihan bilang katumbas ng kanilang pagpapakabuti, at ng kanilang paniniwala at pagsunod sa kanilang mga Sugo. At parurusahan dito ang mga makasalanan bilang kabayaran ng kanilang mga nagawang kasamaan, kawalan ng pananampalataya o mga nagawang kasuwailan sa kanilang mga Sugo; ng buhay na walang hanggan magpakailanman Paraiso kaya o Impiyerno.
Ang Paniniwala sa Kapalaran at Tadhana:
Ito ay ang paniniwala na ang Allah ay dati na Niyang Batid ang lahat ng mga bagay bago ang kaganapan nito at kung ano ang magiging katapusan nito. At pagkatapos ay tunay ngang nilikha Niya ang mga ito batay sa Kanyang walang hanggang Kaalaman, Katakdaan at Kapasiyahan.
Ang Allah ay nagsabi: {At nilikha Niya ang lahat ng bagay at Kanyang tinakdaan ito ng wastong katakdaan.} Qur'an 25: 2
Ang paniniwala sa kapalaran at tadhana matapos isagawa ang mga kahilingan nito at kadahilanan ay nakapagdudulot ng:
1. Kaginhawahan ng isipan at kapanatagan ng sarili, kaya't wala nang puwang upang magkaroon ng kabalisaan at kalungkutan dulot ng anumang bagay na naganap o bagay na hindi nakamit.
2. Nag-aanyaya sa pagsasaliksik ng kaalaman at sa pagtuklas ng mga bagay na inilagak ng Allah sa daigdig na ito. Kaya't anumang itinadhana Niya na mga karalitaan sa tao katulad ng sakit, ito ay isa ring tadhana na siyang magtutulak sa kanya sa paghahanap ng lunas na papawi sa naunang tadhana. At iyon ay sa pamamagitan ng paghahanap sa mga pinagkukuhanan ng mga gamot mula sa mga nilikha ng Allah sa daigdig na ito.
3. Ang pagkaka-ugnay ng puso sa Allah at di pagkatakot sa anumang kapinsalaan na naidudulot ng tao.
Ang Propera (SAW) ay nagsabi: (At dapat mong malaman na kahit nagkaisa ang lahat ng pamayanan upang ikaw ay dulutan ng anumang kapakinabangan, sila'y hindi makapagdudulot ng pakinabang sa iyo maliban sa isang bagay na siyang itinakda ng Allah para sa iyo. At kahit sila'y nagkaisa upang ikaw ay dulutan ng anumang kapinsalaan, sila'y hindi makapagdudulot ng kapinsalaan sa iyo maliban sa isang bagay na siyang itinakda ng Allah para sa iyo. Ang mga panulat ay naiangat na at ang (tintang isinulat sa ) mga aklat ay natuyo na.) Sunan At-Tirmezi – Hadith no. 2516
Ang mga Simulaing Haligi ng Pananampalatayang Islam:
Ang mga simulaing haligi ng Islam ay ang pangangalaga sa buhay ng may buhay (maliban sa karapatan ng Islam), dangal, ari-arian, isipan at salin lahi.
Ang Sugo (Muhammad r) ay nagsabi: (At tunay na ipinagbabawal ng Allah sa inyo ang dugo ng isa't isa, mga ari-arian at ang inyong mga dangal katulad ng pagkakabawal sa araw ninyong ito, sa buwan ninyong ito, at sa bansa ninyong ito.) Al-Bukhari – Hadith no. 5696
At sinabi pa niya: (Nais ba ninyong ipabatid ko sa inyo ang tungkol sa isang mananamppalataya, siya yaong naipagkakatiwala sa kanya ng sangkatauhan ang kanilang mga ari-arian at buhay. At ang isang muslim ay yaong ligtas ang sangkatauhan sa kamandag ng kanyang dila at kamay. At ang Mujahid ay yaong nakikibaka sa pakikipagtungali sa kanyang sarili sa pagsunod sa Allah. At ang tunay na lumikas ay yaong lumalayo sa mga pagkakasala at mga kasalanan.) Sahih ibn Habban – Hadith no. 4862
ANG MGA KAASALAN SA ISLAM:
Ipinagbabawal ng Islam ang lahat ng mahahalay na salita at gawa.
Sinabi ng Allah: {Sabihin: "Ang tanging ipinagbabawal ng aking Panginoon ay ang lahat ng mahahalay at maruruming bagay nakalantad man ito o nakatago, at ang makasalanan, pagmamalabis sa katotohanan nang di-makatuwiran, pagtatambal sa (Kaisahan ng) Allah na hindi naman Niya binabaan ng anumang katibayang nauukol dito at ang pagsasalita ninyo laban sa Allah ng mga bagay na di ninyo nalalaman.} Qur'an 7:33
At ipinag-uutos ang lahat ng magagandang kaugalian at ipinag-aanyaya nito.
Ang Sugo (Muhammad r) ay nagsabi: (Ako'y isinugo upang tupdin (ganapin) ang magagandang mga kaugalian.) Al-Mustadrak `alas-Sahihain – Hadith no. 4221
ANG MGA KARAPATAN SA ISLAM:
Ang Islam ay nagtalaga ng mga karapatan at tungkulin sa mga tagasunod nito, ang bawa't isa ay naaayon sa kinalalagyang antas nito. Samakatuwid ang dalawang magulang ay may mga karapatan, at ang dalawang mag-asawa ay may mga karapatan sa isa't isa, at ang mga anak ay may mga karapatan, at ang mga kapitbahay ay may mga karapatan din…atbp. Ang nilalayon sa likod nito ay ang pagkabuklod-buklod at pagdadamayan ng mga taong bayan sa Islamikong Pamayanan, ang pangangalaga nito sa pagkawatak-watak at pagkakahiwalay, at ang paglaganap ng pagmamahal at pagkakalapit ng kalooban sa isa't isa.
Ang Allah ay nagsabi: {At sambahin ninyo ang Allah at huwag kayo magbigay ng katambal sa Kanya ng anumang (patron). At pakitunguhan ninyo ng mabuti ang dalawa ninyong magulang (maging sa salita o gawa). At ang mga kamag-anak ninyo (malapit na kamag-anak man o malayo) at ang mga ulila (maging kamag-anak o hindi) at ang mga mahihirap at mga kapitbahay na kamag-anak, at mga kapitbahay na hindi kaanu-ano, at ang mga kaibigan sa paglalakbay (o asawa) at ang taong naglalakbay na kinapos ng panustus sa daan, at ang anumang nasa ilalim ng inyong mga kamay (mga alipin). Katotohanan, ang Allah ay hindi Niya minamahal ang sinumang nagmamalaki (sa kanyang sarili) at nagmamataas (upang siya ay purihin).} Qur'an 4: 36
Maging ang mga daanan ay may mga karapatan.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Kaingat, Huwag na huwag kayo magtatambay sa mga daan. Sila (ang kanyang mga kasamahan) ay nagsabi: "O Sugo ng Allah, hindi namin ito maiiwasan, ito ang tanging mga lugar na aming pinagtitipunan sa aming pag-uusap. Siya ay nagsabi: Magkagayun, kapag kayo ay tumatanggi maliban sa pagtitipon. Datapuwa't ibigay ninyo sa daan ang karapatan nito." Kanilang sinabi: At ano ang karapatan ng daanan O Sugo ng Allah? Siya ay nagsabi: "Pangalagaan ang paningin at pigilang makapinsala, tugunan ang nagpasimula ng pagbati at ipag-utos ang kabutihan at ipagbabawal ang kasamaan." Al-Bukhari – Hadith no. 5875
At ang mga hayop ay mayroon ding mga karapatan. Ang kabaitan at pangangalaga sa mga ito ay isang dahilan ng pagkamit sa kapatawaran ng mga kasalanan.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Habang ang isang lalaki ay naglalakad, siya ay nakaramdam ng matimding pagka-uhaw. At agad naman siyang nakatagpo ng balon, kaya't siya ay lumusong dito at uminom at pagkatapos ay umahon. At biglaang sumulpot ang isang asong naghihingal, kumakain ng halumigmig sa lupa dahil sa pagka-uhaw. At kanyang nasabi: Tunay na ang asong ito ay inabot ang matinding pagka-uhaw ng tulad na aking inabot. Kaya't lumusong siya ulit sa balon at pinuno ng tubig ang kanyang sapatos at agad niyang pinainum ang aso. Kaya't nagpasalamat sa kanya ang Allah at pinatawad siya. Kanilang sinabi: O Sugo ng Allah! Kami ay magkakamit ng gantimpala sa mga hayop? Siya ay nagsabi: "Oo, sa lahat ng may sariwang atay (may buhay) ay may gantimpala." Al-Bukhari – Bilang ng Hadith: 2234
At maging ang pagmamalupit dito sa pamamagitan ng pagkulong o pagpapahirap ay ginawang mga dahilan ng pagpasok sa Apoy ng Impiyerno.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Pinagmalupitan ng isang babae ang isang pusa na kanyang kinulong hanggang sa namatay ito. Kaya't dahil dito, siya ay nakapasok sa Apoy. Hindi niya pinakain, ni hindi pinainum ito nang kanyang ikulong, ni hindi rin niya pinabayaan itong mangain ng mga insekto ng lupa.) Al-Bukhari – Bilang ng Hadith: 3295
Kung ganito na lamang ang habag ng Islam sa mga hayop, ano kaya sa palagay mo kung para sa tao na siyang binigyan ng Allah ng kahigtan at karangalan sa lahat ng mga nilalang. ANG SINASABI NILA TUNGKOL SA ISLAM: Si Jack S. Restler ay nagsabi sa kanyang aklat na pinamagatang " Ang Arabianong Kabihasnan": Tunay na ang Islam ay maaaring bigyan ng tatlong magkakaibang kahulugan: ang una ay relihiyon at ang pangalawa ay bansa at ang ikatlo ay kaalaman. Sa madaling salita. Nabubukod-tanging Kabihasnan. SINO SIYA NA MENSAHERO NG ISLAM?: Siya si Abul Qasim Muhammad ibn Abdullah ibn Abdul Mutallib ibn Hashim mula sa tribong Quraish na arabo magtatapos ang kanyang lahi kay Adnan na anak ni Ismael ang Propeta ng Allah na anak ni Ibrahim Khaleelullaah (tinaguriang matalik na kaibigan ng Allah) – nawa'y itampok sa kanilang dalawa ang kapayapaan – At ang kanyang ina ay si Aminah na anak ni Wahb at hihinto at lahi nito kay Adnan na anak ni Ismael ang Propeta ng Allah na anak ni Ibrahim Khaleelullaah (tinaguriang matalik na kaibigan ng Allah) – nawa'y itampok sa kanilang dalawa ang kapayapaan – Ipinanganak sa taong 571 A.D. sa Makkah na siyang itinuturing na tampukang panrelihiyon sa kapuluan ng mga arabo na kung saan ay matatagpuan dito ang sagradong Kaabah na pinatayo ni Propeta Ibrahim at ng kanyang anak na si Propeta Ismael - nawa'y itampok sa kanilang dalawa ang kapayapaan – siya (si Muhammad) ay nakilala sa pagitan ng kanyang mamamayan sa taguring Al-Ameen (ang mapagkakatiwalaan), Nakaugalian na nilang iwanan sa kanya ang kanilang mga mahahalagang ari-arian at ipinagkakatiwala sa kanya ang kanilang mga ipinatatagong bagay kapag nais nilang maglakbay, at siya ay nakilala sa pagitan nila ng pagkamatapat nang kanilang mapamalas mula sa kanya ang katotohanan ng kanyang mga sinasabi at pagsasalita. Walang nakipagkasundo sa kanya na siya'y nagtaksil, ni nagsinungaling, nanluko o nanlinlang, hangad niya ang kabutihan sa sangkatauhan. Sa apat-na-pung taong gulang niya; siya ay nagsimulang tumanggap ng Kapahayagan at kaagad niyang ibinalita ito sa asawa niyang si Khadijah – nawa'y kalugdan siya ng Allah. At kanyang sinabi rito: "Tunay na natatakot ako para sa aking sarili," at ang sabi ni Khadijah: Aba'y huwag, Sumpa man sa Allah, hinding hindi ka bibigyan ng Allah ng kahihiyan. Tunay na iyong papagtibayin ang pagkakamag-anakan, dadalhin ang mga pasanin, tutulong sa naghihikahos, magiliw sa panauhin, at aagapay sa dinapuan ng kasawiang-palad." Al-Bukhari – bilang ng Hadith:3 Siya ay nanatili sa Makkah ng labing tatlong taon, inaaanyayahan niya ang mga tao sa Kaisahan ng Allah at pagkaraan ay lumikas siya sa Madinah at inanyayahan sa Islam ang mga mamamayan nito at agad naman nilang tinanggap ang Islam. At pagkaraan ay ipinahayag sa kanya ng Allah ang kabuuan ng mga batas ng Islam. At malaya niyang nasakop ang Makkah pagkalipas ng walong taon simula ng kanyang paglikas, at siya ay binawian ng buhay sa gulang niyang animnapu't tatlong taon. Pagkatapos maipahayag sa kanya ang Qur'an nang ganap at nabuo ang mga Batas ng Islam at yumakap na rin sa Islam ang mga arabo. ANG SINASABI NILA TUNGKOL KAY MUHAMMAD (SAW): Si Dr. G. Lebon ay nagpahayag sa kanyang aklat na pinamagatang: "Ang kabihasnan ng mga arabo": Kapag ang mga dakilang gawa ng mga kalalakihan ay isinusukat sa halaga ng kanilang pagkalalaki, si Muhammad ang pinakadakilang lalaki na kinilala ng kasaysayan. At sa katunayan si Muhammad ay itinuturing ng mga Pantas ng taga-kanluran na isang taong makatotohanan, bagama't ang bulag na pagkiling sa relihiyon ay nalilingat sa napakaraming manunulat ng kasaysayan na kumikilala sa kadakilaan niya (Muhammad). Si Dr. Michael H. Hart ay nagpahayag sa kanyang aklat na pinamagatang: "Isang pagsasaliksik sa mga unang siglo": Tunay na ang aking pagpili kay Muhammad bilang pangunahin sa hanay ng mga taong may dakilang apektebo sa mundo sa iba't ibang aspeto ay maaaring makagitla sa maraming mambabasa at maaaring uusisain ng iba….Subali't sa aking paniniwala, si Muhammad ang tanging lalaki sa kasaysayan na may pinakamatayog na tagumpay sa kapwang dalawang antas; ang pangrelihiyon kaantasan at pangkamunduhang kaantasan. ANO ANG QUR'AN: Ito ang Batas ng mga Muslim na siyang pinagkukuhanan nila ng mga aral o katuruan na nagsasaayos sa kanilang mga kalagayan maging pangrelihiyon o pangkamunduhan. At ito ay naiiba sa naunang pangkalangitang mga kasulatan sa mga sumusunod na kadahilanan: Ito ang pinakahuling ibinaba na pangkalangitang kasulatan. Kung kaya't ipinangako ng Allah na Kanya itong pangangalagaan hanggang sa Oras ng pagkabuhay muli. Ang Allah ay nagsabi: {Katotohanan, Kami ang nagbaba ng Qur'an at tunay na Aming pangangalagaan ito} Qur'an 15:9 Nasaklawan nito ang lahat ng mga batas na nagtataguyod at nagtatatag sa mahusay na sambayanan at gumagarante sa mga karapatan ng lahat ng tao. Itinuturing na isang mapapanaligang salaysay na nagpapaliwanag sa pagkasunud-sunod ng pagpapahayag sa Relihiyon sa mga Propeta at Sugo, at sa anumang kaganapang sumapit sa kanila kasama ng kanilang mga mamamayan, simula kay Adam (AS) at magtatapos kay Muhammad (SAW). Ipinahayag para sa lahat ng sangkatauhan upang sila ay lumasap ng kaligayahan, kapanatagan at katiwasayan sa paninirahan at upang sila'y hanguin mula sa mga kadiliman tungo sa liwanag. Ito ay isa sa mga pinagtataguyudan ng pagsamba sa Allah sa pamamagitan ng pagbasa nito, pagsasaulo at pagtuturo. ANG SINASABI NILA TUNGKOL SA QUR'AN: Si W. Durant ay nagpahayag sa kanyang aklat na pinamagatang, Ang kasaysayan ng Kabihasnan: "Ang Qur'an ay nagpapausbong sa mga kalooban ng pinakasempling mga paniniwala, kaunti ang malabo, malayung-malayo sa pagtatakda ng mga seremonya at pagdiriwang, at pinakamatindi sa pagtakwil ng mga imahen at pagka-pari. At sa katunayan siya ay nagkamit ng dakilang karangalan sa pagpataas ng antas ng mga muslim sa pangkaugalian at pangkaalamang kaantasan at siya ang nagtatag sa kanila ng mga saligang panlipunang patakaran, at samahang nagkakabuklod-buklod. At at iniingganyo niya sila sa pagsunod sa mga panuntunang pangkalusugan, at ginawang dalisay ang kanilang mga kaisipan mula sa napakaraming lihis na mga katuruan at mga haka-haka, sa pakikiapid at pagmamalupit, at pinaganda niya ang mga kalagayang antas ng mga alipin at pinausbong niya sa mga puso ng mga hamak ang karangalan at kataasan. At pinangyari sa pagitan ng mga muslim ang antas ng katarungan at ang pag-takwil sa mga pithaya, walang matatagpuan g makatutulad dito saan mang lupalop ng kalupaan sa mundo na tinitirahan ng mapuputing tao. AH. 42 ANG ISLAM AT ANG KAALAMAN: Ang pananampalatayang Islam ay masugid na nag-aanyaya sa Kaalaman at nag-iinganyo sa pagsasaliksik nito at pagpapalago nito. At nilait ang kamangmangan at nagbigay ng babala hinggil dito. Ang Allah ay nagsabi: {Itinataas ng Allah yaong mga nanampalataya sa inyo at yaong pinagkalooban ng kaalaman sa matataas na antas.} Qur'an 58:11 Bagkus ang pagtahak sa pagsasaliksik ng kaalaman, pag-aaral at pagtuturo nito ay isa sa mga dahilan o daan na maghahatid patungong Paraiso. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Sinuman ang tumahak ng landas sa pagsasalikisik ng kaalaman, siya ay patatahakin ng Allah sa isang landas patungong Paraiso….) Ibn Habban – Hadith: 88 Ipinagbabawal nito ang ipaglihim ito, sapagka't ito ay karapatan ng lahat. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Sinuman ang naglihim ng anumang kaalaman, siya ay kakabisadahan ng Allah sa Araw ng pagbabangung muli ng kabisada na apoy.) Ibn Habban – Hadith: 96 Ang Islam ay nag-ukol ng parangal sa isang taong may kaalaman. Kaya't ipinag-uutos nito ang pagparangal sa kanya at paggalang. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Hindi kabilang sa aking mga tagasunod ang sinumang hindi dumadakila sa aming mga matatanda, hindi nagmamahal sa aming mga kabataan at hindi nakakaalam ng karapatan ng aming pantas.) Imam Ahmad – Hadith: 22807 Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagpaliwanag tungkol sa kinalagyang antas ng isang pantas ayon sa kanyang sinabi: (Ang kalamangan ng isang pantas sa isang tagapaglingkod ay katulad ng aking pagkalamang sa pinakamababa sa inyo.) At-Tirmedhi – Hadith: 2685 ANG ISLAM AT ANG KAYAMANAN: Ang lahat ng yaman ay pagmamay-ari ng Allah. Samakatuwid ito'y isang ipinagkatiwalang bagay lamang sa isang lingkod at isang pananagutan, nararapat na ito ay kikitain sa mga paraang ipinahihintulot sa Islam, at gayon din naman ang paggugol dito sa mga bagay na ipinahihintulot sa Islam tulad ng paggugol sa kanyang sariling kapakanan at sa sinumang karapat-dapat gugulan nito nang walang paglulustay at pagmamalabis. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Sa Araw ng pagkabuhay mag-uli hindi maaangat ang dalawang talampakan ng isang lingkod hangga't hindi naitatanong sa kanya; ang tungkol sa kanyang idad kung saan niya ito winakasan, ang tungkol sa kanyang kaalaman kung ano ang ginawa niya rito, at tungkol sa kanyang kayamanan kung saan niya ito kinita at kung saan ginugol, at ang tungkol sa kanyang katawan kung saan niya ito inagnas.) At-Tirmedhi – Hadith: 2417 At na ito'y pagsikapang gugulin sa mga mabubuting gawa. Ang Allah ay nagsabi: {Ang kabanalan ay hindi yaong ibaling ninyo ang inyong mga mukha sa dakong silangan o kanluran, datapuwa't ang kabanalan ay ang paniniwala sa Allah at sa Huling Araw, sa mga anghel at mga Aklat at sa mga Propeta, at ang pamamahagi ng kayamanan ayon sa Kanyang kagustuhan sa malapit na mga kamag-anak, mga ulila, mga maralita, naglalakbay at sa mga bihag (na nangangailangan ng pantubos).} Qur'an 2: 177 ANG ISLAM AT ANG BABAE: Sa Islam ang pagparangal at paggalang sa babae ay isang palatandaang nagpapatunay sa kawastuhan, kaganapan at kabutihan ng personalidad. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Ang pinakamabuti sa inyo ay yaong pinakamahusay makitungo sa kanilang mga kababaihan.) Ibn Habban – Hadith: 4176 Ito ang siyang pangunahing tungkulin ng isang lalaki sa pagtaguyod ng kabanalan, ng ugnayang pagkakamag-anakan at paghahandog ng kabutihan. Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi sa lalaking nagtanong sa kanya tungkol sa kung sino sa mga tao ang higit na dapat pakisamahan nang mahusay? Siya ay nagsabi: "Ang iyong ina". Siya (ang lalaki) ay nagsabi: Sino pa? Ang sinabi niya: "Ang iyong ina". Siya (ang lalaki) ay nagsabi: Sino pa? Ang sinabi niya: "Ang iyong ina". Siya (ang lalaki) ay nagsabi: Sino pa? Ang sabi niya: "Ang iyong ama".) Al-Bukhari – Hadith: 5626 Sa Islam ang babae ayon sa pagkapahayag ng Sugo (Muhammad (SAW)) tungkol sa kanya, siya ay nagsabi: "Tunay na ang mga kababaihan ay kaakibat ng mga kalalakihan.) Abu Daud –Hadith: 236 1. Ang babae ay katulad ng lalaki sa pagkatao, at hindi siya ang pinagmulan ng minanang kasalanan, at dahilan ng pagtaboy kay Adam mula sa Paraiso. 2. Ang babae ay katulad ng lalaki sa pagpapatupad sa mga Islamikong Batas na kung saan ay inubliga sa kanya ang katulad ng anumang inubliga sa lalaki. 3. Ang babae ay katulad ng lalaki, siya ay may sariling personalidad. Kung kaya't hindi napapalitan ang kanyang pangalan, at ang pangalan ng kanyang pamilya dahil lamang sa kanyang pag-asawa at iaanib sa katauhan ng kanyang asawa. 4. Ang babae ay katulad ng lalaki sa pagkamit ng gantimpala at kaparusahan maging pangkamunduhan at pangkabilang buhay. 5. Ang babae ay katulad ng lalaki sa pangangalaga ng kanyang puri at pagpapahalaga sa kanyang karangalan. 6. Ang babae ay katulad ng lalaki, siya ay may karapatang tumanggap ng pamana, katulad ng lalaki na mayroon ding karapatan dito. 7. Ang babae ay katulad ng lalaki na may ganap na kalayaang mangasiwa sa sarili niyang kayamanan.
8. Ang babae ay katulad ng lalaki sa pagpasan ng tungkuling pangalagaan ang kapakanan ng lipunan.
9. Ang babae ay katulad ng lalaki na may karapatang magpalago ng kaalaman at edukasyon.
ANG ISLAM AT ANG MGA DI-MUSLIM.
Sa bansang Islam ang mga di-muslim na nakipagkasundo sa pamahalaan, ang kanilang dugo, ari-arian at puri ay ligtas (at ipinagbabawal lapastanganan). Samakatuwid walang pandaraya at pag-aalipusta laban sa kanila, walang kabawasan sa kanilang mga karapatan o sila'y pakitunguan nang masama.
Ang Allah ay nagsabi: {Hindi kayo pinagbabawalan ng Allah sa kanilang hindi nakipaglaban sa inyo dahil sa relihiyon at hindi nagtaboy sa inyo sa inyong mga tahanan na inyong pakitunguan sila nang mabuti at makatarungan. Katotohanan, minamahal ng Allah ang mga makatarungan.} Qur'an 60:8
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: {Katiyakan, sinuman ang gumawa ng kawalan ng katarungan sa isang nakipagkasundo, nagbawas sa kanyang (mga karapatan) at nagpataw sa kanya ng tungkuling higit sa kanyang kakayahan o kumuha mula sa kanya ng isang bagay na hindi bukal sa kanyang kalooban. Sa gayon ako ang kanyang magiging katunggali sa Araw ng pagkabuhay muli – at itinutok ang kanyang daliri sa kanyang dibdib – Katiyakan, sinuman ang pumaslang ng isang nakipagkasundo na nasa ilalim ng pananagutan ng Allah at ng Kanyang Sugo. Sa kanya ay ipagkakait ng Allah ang simoy ng Paraiso. At tunay na ang simoy nito ay matagpuan kahit sa layong pitumpung taon kung lalakarin.} Al-Bayhaqui – Hadith: 18511
ANG ISLAM AT ANG DIGMAAN.
Sa Islam ito ang tinatawag na ' JIHAD '; Ang pangkalahatang konsepto nito ay ang masugid na pakikipagtunggali sa sarili sa pamamagitan ng pagpipilit nito sa pag-iwas sa mga kabawalan at pagsasagawa ng mga tungkulin sa abot ng kakayahan na may paghahangad sa kasiyahan ng Allah.
Ang pansariling konsepto nito ay ang pakikipaglaban upang maipalaganap ang relihiyon ng Allah at maiparating sa lahat ng sangkatauhan. Ang konseptong ito ay hindi isang makabagong kautusan sa pananampalatayang Islam, bagkus ito ay nasa lahat ng naunang mga pangkalangitang Batas.
Samakatuwid, ang 'Jihad' (pakikipaglaban) ay may dalawang uri:
1- Pagtatanggol na Pakikipaglaban:
Ito ay ang pakikipaglaban sa sinumang umaalipusta't namiminsala sa mga Muslim o sa kanilang mga lupain. At sa ganitong konsepto, ito ay lihitimong tungkulin ng lahat ng tao sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang mga pananampalataya't relihiyon.
2- Kahilingang Pakikipaglaban:
Ito ay ang pakikipaglaban upang burahin ang batas ng mga nagsisipagharang sa harap ng taong nagpapalaganap ng pananampalatayang Islam sa sangkatauhan, mga pumapataw ng kaparusahan sa taong sumampalataya rito, o mga naghahadlang sa taong nais pumasok dito.
Tungkol sa digmaang pananakop, o digmaang paghihiganti, o pagpapakita ng kagalingan sa pamamagitan ng lakas. Ito ay tunay na ipinagbabawal ng Islam.
Sa Islam ang Jihad ay may mga panuntunan at magagandang asal, samakatuwid ang mga bihag ng digmaan at ang mga nagapi mula sa iba't ibang nasyon, sila ay may mga karapatan at mga pananagutan.
Sa sinumang nais magkaroon ng karagdagang kaalaman tungkol sa Jihad, mangyaring sumangguni na lamang sa mga aklat na tumatalakay hinggil dito.
ANG ISLAM AT ANG KAPALIGIRAN.
Ipinag-uutos ng Islam na pangalagaan ang kapaligiran at huwag pagdumihan ito sa anupamang kaparaanan o pakikitungo at ito ay sa pamamagitan ng:
1. Ang paghihikayat sa pagtanim ng mga punong-kahoy na kapaki-pakinabang.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Walang Muslim na nagtatanim ng anumang halaman o naghahasik ng anumang butil at pagkaraan ay kinain ito ng isang ibon, tao o isang hayop kundi para sa kanya'y nagkamit ng isang Sadaqah (kawanggawa) dahil lamang dito.) Al-Bukhari – Hadith: 2195
2. Ang pag-iingganyo sa pagtanggal o pag-alis ng lahat ng bagay na maaring maging dahilan ng kapinsalaan.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (At ang pag-alis ng nakapipinsalang bagay sa daanan ay isang Sadaqah (kawanggawa).) Al-Bukhari – Hadith: 2827
3. Ang paghihikayat sa taong may karamdaman na umiwas makihalu-bilo upang mapigilan ang paglaganap ng mga sakit at salot (peste) sa ibang kalipunan bilang pangangalaga sa mga buhay ng iba.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Kapag nakarinig kayo ng isang salot sa isang bayan, huwag kayo pumasok dito, at kapag ito'y dumatal sa lugar na inyong kinaroroonan, huwag kayo lumabas rito.) Al-Bukhari – Hadith: 5396
4. Ang pagbabawal sa pagpaslang ng mga hayop at ibon nang walang katuturan.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Sinuman ang pumatay ng isang ibon ng walang dahilan, ito ay sisigaw nang malakas sa harap ng Allah sa Araw ng pagbabangung muli na nagsasabi: " O Panginoon! Ako ay pinatay ni ginoo nang walang dahilan at hindi niya ako pinatay upang pakinabangan.) Ibn Habban – Hadith: 5894
5. Ang pagbabawal sa pagdumi ng kapaligiran sa lahat ng uri at pamamaraan nito.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Katakutan ninyo ang La `Anaan. Ang sabi nila (mga kasamahan niya): O Sugo ng Allah, Ano po ang La `A-naan? Kanyang sinabi: "Yaong taong nagdudumi sa daanan ng mga tao o sa kanilang lilim".) Muslim – Hadith: 269
ANG ISLAM AT ANG KALINISAN.
Ang Islam ay Relihiyon ng Kalinisan:
Ang Allah ay nagsabi: {O angkan ni Adam! Isuot ang inyong palamuti sa bawa't mosque, mangain kayo at uminom. Nguni't huwag magmalabis at maglustay. Katotohanan, hindi Niya minamahal ang mga mapaglustay.} Qur'an 7: 31
At relihiyon ng kadalisayan (pagkamalinis):
Ang Allah ay nagsabi: {Katotohanan, minamahal ng Allah yaong lagi nang nanunumbalik sa Kanya sa pagsisisi at ang mga pinananatiling dalisay ang kanilang sarili.} Qur'an 2: 222
Samakatuwid, ang pagiging malinis ay isa sa mga kondisyon ng katumpakan ng Salah na siyang isinasagawa ng isang Muslim nang limang beses sa loob ng isang araw (24 oras). At itinatagubilin din ang pagligo dahil sa Janabah (pakikipagtalik sa asawa atbp.). At itinalaga itong isa sa mga katumpak-tumpak na gawaing kusang-loob sa ilang mga simbulong panrelihiyon tulad ng Salah sa Jum`ah, sa dalawang Eid, Hajj at Umrah, at itinatagubilin din ang paghuhugas ng dalawang kamay bago kumain at pagkatapos.
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Ang biyaya ng pagkain ay ang pagsasagawa ng Wudu (paghuhugas) bago kumain at pagkatapos.) At-Tirmedhi – Hadith: 1846
Ang pananatili sa paglilinis ng bibig at ngipin:
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Kung di lang makakapagpahirap sa aking mga tagasunod, tunay na aking ipag-uutos sa kanila ang Siwak sa bawa't Salah.) Muslim – Hadith: 252
Ang pag-alis at paglilinis ng anumang bagay na maaaring paglunggaan ng mga ensekto at pagtipunan ng mga marurumi:
Ang Sugo (Muhammad (SAW)) ay nagsabi: (Ang Fitrah (kalikasan) ay lima. Ang pagtutuli, pag-ahit ng balahibo sa masilang bahagi ng katawan, pagbubunot ng balahibo sa kili-kili, paggupit ng begoti at pagpuputol ng mga kuko.) Al-Bukhari – Hadith: 5939
ANG PAG-AALIPUSTA SA ISLAM,….BAKIT?
Kapag binigyan natin ng pansin ang kalagayan ng mga relihiyon sa buong mundo, ating matagpuan na ang Islam ang tanging nag-iisang relihiyon na inaalipusta. Kaya't bakit nga ba inaalipusta ito?
1. Sapagka't ito ay Makatotohanang Relihiyon, na siyang tumutuligsa sa pagsamba sa iba bukod sa Allah, pagpapakumbaba at pagpapakaaba sa iba bukod sa Kanya.
Ang Allah ay nagsabi: {Sabihin (O Muhammad): "Ako ba'y inyong pinag-uutusan na sumamba bukod sa Allah, O Kayong mga mangmang.} Qur'an 39:64
2. Sapagka't ito ay Wasto at Dalisay na Relihiyon:
Ang Allah ay nagsabi: {Kaya't ibaling mo (O Muhammad) ang iyong mukha sa relihiyong (Islam) nang may Hanif (pagsamba sa Allah lamang). (Ito) ang Fitrah ng Allah na siyang (dahilan ng) paglikha Niya sa sangkatauhan. Walang pagpapalit sa likha ng Allah. Ito ang matuwid na relihiyon, subali't napakaraming tao ang hindi nakakaalam.} Qur'an 30:30
3. Sapagka't ito ay Makatarungang Relihiyon:
Ang Allah ay nagsabi: {Katotohanan, ang Allah ay ipinag-uutos ang katarungan, ang pagiging mabuti at ang pamamahagi sa mga malalapit na kamag-anak. At Kanyang ipinagbabawal ang kaalayan, kasamaan at Al-Baghy (ang lahat ng uri ng paniniil). Pinapayuhan Niya kayo baka sakaling makakaalaala kayo.} Qur'an 16:90
4. Sapagka't ito ay Nagpapatuwid na Relihiyon:
Ang Allah ay nagsabi: {At sila ay naghahasik ng kasamaan sa lupa. Datapuwa't ang Allah ay hindi minamahal ang mga naghahasik ng kasamaan.} Qur'an 5:64
5. Sapagka't ito ay Relihiyon ng Kapayapaan:
Ang Allah ay nagsabi: {At makipaglaban kayo sa Landas ng Allah sa mga nakikipaglaban sa inyo. Subali't huwag kayo lumagpas sa hangganan. Katotohanan, hindi minamahal ng Allah ang mga lumalagpas sa hangganan.} Qur'an 2:190
6. Sapagka't ito ay Katamtamang Relihiyon:
Ang Allah ay nagsabi: {At gayon din naman, ginawa Namin kayong isang matuwid na sambayanan upang kayo ang maging saksi sa lahat ng sangkatauhan, at ang Sugo (Muhammad) ay maging saksi sa inyo.} Qur'an 2:143
7. Sapagka't ito ay Relihiyon ng Kalinisan (walang-bahid-dungis):
Ang Allah ay nagsabi: {At huwag kayo lumapit sa pangangalunya. Tunay na ito ay isang karumal-dumal na gawain at napakasamang landas.} Qur'an 17:32
8. Sapagka't ito ay Relihiyon ng Pagtutulungan at Pagdadamayan, na tumutuligsa sa mapagsamantala sa pangangailangan at kahinaan ng mga tao:
Ang Allah ay nagsabi: {At huwag kainin ng ilan sa inyo ang mga yaman ng iba sa di-makatuwirang pamamaraan at isusuhol ninyo ito sa mga hukom nang sa gayo'y inyong makamkam ang ilan sa mga kayamanan ng mga tao nang may pagkakasala, samantalang ito'y inyong nalalaman.} Qur'an 2:188
9. Sapagka't ito ay Relihiyon ng Pagkakapantay-pantay, na tumutuligsa sa kalikasang pagkakaibang uri ng mga tao:
Ang Allah ay nagsabi: {O Sangkatauhan ! Katotohanan, nilikha Namin kayo mula sa lalaki at babae, at ginawa Namin kayong iba’t ibang bansa at tribo, upang inyong makilala ang isa’t isa. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa Allah ay yaong may banal na takot sa inyo. Katotohanan, ang Allah ay Nakaaalam, Nakababatid.} Qur'an 49:13
ANG PAGTATAPOS:
Kagalang-galang na mambabasa:
Ang batas ng Islam ay tunay na pangkalangitan, buong-buo at isang panuntunan para sa masaganang buhay sa mundong ito at panghabang buhay magpakailanman sa kabilang buhay. At maaaring makikita mo sa ilang mga muslim ang palihis na pag-uugali o kapintasan sa kanilang mga kilos at mga asal. Kaya't dapat mong malaman na ang Islam ay walang kinalalaman sa mga kaugaliang ito. Bagkus ang tunay na dahilan, maaring ito ay dahil sa kawalan ng kaalaman sa mga katuruan ng kanilang relihiyon o dahil sa kahinaan ng kanilang pananampalataya na siyang naghahatak sa kanila sa iyong mga nakikita. Kaya't hindi dapat ihusga sa Islam ang anumang inihuhusga sa ilang mga tagasunod nito. Ang sempling lathalain na ito ay itinuturing na isang susi upang makapagsimula sa pagsasaliksik ng katotohanan, at kailangan ay maging kalakip nito ang mga sumusunod: 1. Iwasan ang mga pansariling layunin at ang pagmamalabis sa relihiyon. 2. Ang wagas na kagustuhang maabot ang katotohanan at makilala ito, at hindi para sa paghahanap ng mga kamalian at pagtuklas ng mga kasiraan. Ang magkaroon ng sariling pag-iisip at hindi dapat mangyaring ang iyong naging pasiya sa isang bagay ay alinsunod sa naging pasiya ng iba |
| Last Updated on Tuesday, 23 March 2010 17:48 |
Pinakamahalagang katotohanan na dapat alalahanin ay ang layunin ng buhay ng tao sa mundong ito. Huwag nating sayangin ang bawa’t panahon sa makamundong pagnanasa lamang. Hindi pa huli ang lahat upang magbalik-loob sa Allah. Read More