| MARIA(Ina ni Hesus) Ang Dakilang Babae Ng Sangkatauhan |
|
|
|
| Written by Ahmad Jibreel Salas |
| Thursday, 16 October 2008 09:48 |
Ang Panimula. Ating tunghayan ang kasaysayan ni Maria, ang dakilang ina ni Hesus. Ang salaysay ng Surah Maryam (Isang Kabanata mula sa Banal na Qur’an) na tumatalakay tungkol kay Maria ay sadyang tumatagos sa puso ng sinumang mambabasa. Walang aklat sa buong kasaysayan ang nakapag-bigay ng isang magandang damdamin tungkol sa kadakilaan ni Birhen Maria maliban sa Banal na Qur’an, ang Huling Kapahayagan ng Nag-iisang Diyos na ipinagkatiwala Niya sa Kanyang Huling Sugo at Propeta – si Muhammad Ibn Abdullah(sas). Walang mata ang hindi luluha sa kabanal-banalan at napakagandang salaysay ng Banal na Qur’an tungkol sa Dakilang Babae ng Sangkatauhan – si Maria. Bawa’t talatang tumatalakay sa kanyang katauhan ay tigib ng inspirasyon at umaakay sa magandang damdamin ng bawa’t taong nagmamahal at may matiim na paghanga sa kanya. Sino pa nga ba ang makapagbibigay ng magandang salaysay kundi ang Isang Tanging Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Siya ay may Ganap na Kaalaman, ang may ganap na Karunungan. Sinumang mambabasa, maging siya man ay Muslim o Kristiyano ay katiyakang hindi mapasusubalian ang karangalang ipinagkaloob ng Dakilang Maykapal – Allah (swt) kay Maria, ang babaeng nagmula sa pamilya ng sangkatauhan. Ang Ang Angkang Pinagmulan ni MariaSi Maria ay mula sa angkan ng mga Propeta. Ang kanyang mga magulang ay sina Imran at Hannah Bint Faqoud. Ang Allah (swt) ay nagsabi sa Banal na Qur’an: Qur’an 3:33-34 “Katotohanan! Pinili ng Allah sina Adam (Adan), Nuh (Noah), at ang angkan ni Ibrahim (Abraham) at ang angkan ni Imran ng higit sa lahat ng (Kanyang mga) nilikha. Bawa’t isa sa kanila ay lahi ng isa’t isa. At ang Allah ang Nakaririnig, ang Nakaaalam.” Si Hannah ay hindi magkaanak sa mahabang panahon. Sa kanyang mataimtim na panalangin, siya ay nagsumamo sa Allah (swt) na siya ay pagpalain sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanya ng isang anak at bilang isang panata o pangako, ito ay iaalay niya sa paglilingkod sa Allah (swt)I. Ang Banal na Qur’an ay nagpatunay nito: Qur’an 3:35 “(Alalahanin) Nang ang asawa ni Imran ay nagsumamo: “O, aking Panginoon! Ako ay nangangako sa Iyo na ang sanggol sa aking sinapupunan ay iaalay ko sa Iyo bilang paglilingkod sa Iyo (tanging sa pagsamba lamang sa Iyo) kaya tanggapin Mo ito mula sa akin. Tunay, na Ikaw ang Palakinig. At ang Maalam.” Kaya, nang isinilang niya ang sanggol, siya ay nagsabi nang may pasasalamat at kasiyahan: Qur’an 3:36 “O aking Panginoon! Ako ay nagsilang ng isang batang babae. At ang Allah ang higit na nakaaalam sa kanyang isinilang. Datapwa’t ang lalaki ay hindi katulad ng babae (sa paglilingkod) at aking pinangalanan siyang Maryam (Maria) at ako ay nagpapakupkop sa Iyo para sa kanya at sa kanyang magiging anak laban kay Satanas, ang isinumpa.” Kaya, tinanggap ng Allah (swt)I ang dalangin ng ina ni Maria. Ang Banal na Qur’an ay nagpatunay nito: Qur’an 3:37 “Kaya, tinanggap ng kanyang Panginoon (Allah) mula sa kanya nang may kaaya-ayang pagtanggap. At pinagyaman Niya ito sa mabuting asal at inilagay siya sa ilalim ng pangangalaga ni Zakariyyah.” Ang pagkain ni Maria ay tuwirang nagmumula sa Allah (swt. Kaya, minsan ay namangha ang kanyang tagapag-alaga at amaing si Propeta Zakariyyah(as) sapagka’t: Qur’an 3:37 “Tuwing pumapasok si Zakariyyah sa Mihrab (silid-dalanginan) upang dalawin siya (Maria), kanyang natatagpuang mayroong pagkain. Siya (Zakariyyah) ay nagsabi: O, Maryam (Maria)! Saan mo kinuha ang mga ito (pagkain)? Siya (Maria) ay nagsabi: Ito ay nanggaling sa Allah. Katotohanan, ang Allah ay nagkakaloob sa kaninumang Kanyang naisin, ng walang sukat.” Ang Magandang Balita kay Maria Unang Yugto - Ang Pagpili ng Diyos kay Maria Ito ang Tafsir (paliwanag) ni Ibn Kathir sa simula ng kasaysayan ni Maria: Ang Allah (swt) ay nagsabi na ang mga anghel ay nagsalita kay Maria sa pamamagitan ng Kanyang Kautusan at sinabi na siya ay pinili nang dahil sa kanyang tapat na paglilingkod sa Kanya, ang kanyang pagiging mahinhin, marangal, kawalang kamuwangan sa makamundong bagay, at katatagan sa pananampalataya. At siya ay pinili nang dahil sa kanyang mga katangian nang higit sa kaninumang babae sa mundong ito. Qur’an 3:42 “At (alalahanin) nang ang mga anghel ay nagsabi: “O, Maryam (Maria), katotohanan, pinili ka ng Allah, ginawang malinis (at wagas) at pinili ka nang higit sa mga kababaihan ng lahat ng nilalang.” Qur’an 3:43 “O, Maryam (Maria)! Isuko mo ang iyong sarili nang may ganap na pagtalima (pagsunod) sa iyong Panginoon at iyong ipatirapa ang sarili, at iyuko kasama ng mga nagsisiyuko.” Bilang panimulang kautusan kay Maria, siya ay inutusan ng Allah (swt) sa pamamagitan ng mga anghel na dagdagan niya ang mga gawang pagsamba, pagpapakumbaba, pagpapatirapa, pagyukod upang kanyang ganap na magampanan kung ano ang itinakda ng Allah (swt) para sa kanya. Ikalawang Yugto - Ang Pahayag ng Anghel Gabriel kay Maria Tungkol kay Hesus Dumating ang mga anghel na may balita kay Maria na siya ay magsisilang ng isang dakilang sanggol na may dakilang layunin. Ang Allah (swt) ay nagpahayag: Qur’an 3:45-48 “Tandaan! Nang ang mga Anghel ay nagwika: "O, Maryam (Maria)! Katotohanan, ang Allah ay nagbibigay sa iyo ng magandang balita ng isang Salita mula sa Kanya: ang kanyang pangalan ay Mesiyas, Hesus, anak ni Maryam (Maria), na may mataas na karangalan sa daigdig na ito at sa kabilang buhay. At siya ay nasa (hanay ng) mga malalapit (sa Allah). At siya ay magsasalita sa tao mula sa (kanyang) duyan (kamusmusan) at kagulangan. At siya ay nasa (hanay ng) mga matutuwid. Siya (Maria) ay nagwika: O aking Panginoon! Paano ako magkakaroon ng anak gayong walang lalaki ang sumaling sa akin? Siya ay nagwika: (Kahit na) Ganyan ang Allah, lumilikha ng anumang Kanyang naisin. Kapag Kanyang itakda ang isang bagay, Siya ay magsasabi (lamang) ng “Kun” (Maging ) “fayakun” (at mangyayari nga). Sa talatang nabanggit sa itaas, si Maria ay tunay na larawan ng isang malinis na babae at busilak na puso. Siya ay sagisag ng walang kamuwangan, kaya naman siya ay namangha nang sabihin sa kanya ng mga anghel na siya ay magsisilang samantalang siya ay ganap na birhen. Gayon pa man, ang kanyang katatagan sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos ang nagbigay liwanag sa kanya upang tanggapin niya ang himala at kaakibat ng tungkuling nakaatang sa kanya bilang isang mananampalataya. Natanim sa kanyang pag-iisip ang Ganap na Kapangyarihan ng Diyos, na anuman ang Kanyang likhain o naising gawin, ito ay tunay na magaganap at mangyayari. Ang Ikatlong Yugto - Ang Pagdadalang Tao ni Maria Nagsalaysay ang Banal na Qur’an: Qur’an 19:16-17 “At banggitin (mo) sa Aklat (Qur’an) ang kasaysayan ni Maryam (Maria), nang siya ay lumayo mula sa kanyang pamilya (upang humayong mag-isa patungo) sa isang pook sa dakong silangan. Siya ay naglagay ng tabing (upang ikubli ang sarili) mula sa kanila pagkaraan ay Aming isinugo ang ‘Ruh’ (Anghel Gabriel) at lumitaw sa kanya sa anyong ganap na tao.” Dahil sa tawag ng tungkulin mula sa Diyos (Allah (swt)) si Maria ay tumalima at sumunod sa kautusan. Sa kanyang pag-iisa, biglang nagpakita ang Anghel Gabriel (as) sa kanya sa ganap na anyong tao, kaya siya ay namangha at nagwika: Qur’an 19:18 “Katotohanan! Ako ay nagpa-pakupkop sa Mahabagin (Allah) laban sa iyo, kung ikaw ay may takot sa Allah.” Nguni’t, ang Anghel Gabriel (as) ay malugod na nagpaliwanag na siya ay napag-utusan lamang ng Allah (swt): Qur’an 19:19 “Siya (Anghel Gabriel) ay nagsabi: Ako ay isang Sugo lamang mula sa iyong Panginoon (upang ibalita sa iyo) ang isang pagpapala (bilang handog sa iyo) ang (pagkakaroon mo ng) isang matuwid na anak na lalaki.” Sa talatang nabanggit sa itaas, ipinaalala kay Maria na siya ay pagpapalain ng isang anak na lalaki (Hesus) bilang handog sa kanyang pagiging malinis at matibay na pananampalataya. At itinanong rin ni Maria upang magkaroon ng katiyakan na ang lalaking kanyang kaharap ay tunay na anghel. Siya ay nagtanong: Qur’an 19:20 “Siya ay nagsabi: “Paanong ako ay magkakaroon ng isang anak na lalaki samantalang walang lalaking sumaling sa akin at ako ay hindi isang maruming babae?” Ang Anghel Gabriel (as) ay sumagot: Qur’an 19:21 “Siya ay nagsabi: Kahit na (ito ay mangyayari), ang iyong Panginoon ay nagsabi: Yaon ay madali para sa Akin at Aming itinakda siya (Hesus) bilang palatandaan sa Sangkatauhan at isang Habag mula sa Amin, at ito ay isang bagay na itinakda na.” Qur’an 19:22 “Kaya, siya ay nagdalangtao at siya ay humayo sa isang malayong pook.” Ang Panganganak ni Maria Qur’an 19:23 “At ang sakit (na dala) ng kanyang panganganak ang naghatid sa kanya sa isang puno ng datiles. Siya ay nagwika: Sana’y namatay na ako bago pa dumating ang pangyayaring ito (ang panganganak) at ako ay nabaon na sa limot.” At pagkaraan ng pagdurusa at pighating dala ng hirap ng panganganak, siya ay nagsilang ng isang lalaking sanggol. At kaakibat nito ay ang mga himala ng pagsilang. Qur’an 19:24 “Pagkaraan, isang tinig mula sa kanyang paanan ang tumawag: “Huwag kang malumbay, ang iyong Panginoon ay nagbigay sa iyo ng isang bukal ng tubig sa iyong paanan.” Qur’an 19:25 “At iyong yugyugin ang puno ng datiles (mula sa iyong itaas), (at) maglalaglagan sa iyo ang mga sariwang hinog na bunga.” Qur’an 19:26 “Kaya, kumain at uminom at masiyahan. At kung sakali mang iyong makadaup-palad ang sinumang tao, iyong sabihin “Katoto-hanan! ako ay nagbigay panata (sa pamamagitan) ng pag-aayuno sa Mahabaging (Diyos) kaya hindi ako makikipag-usap kaninumang tao sa araw na ito.” Ang Pagbabalik ni Maria sa Kanyang Pamamayan Qur’an 19:27 “At kanyang dinala siya (ang sanggol) patungo sa kanyang mga angkan. Sila (mga tao) ay nagsabi: O Maryam (Maria)! Tunay na ikaw ay nagdala ng isang bagay na kamangha-mangha!” At ang ilan sa mga taong nakapaligid sa kanya ay nagtanong at nag-usisa din sa kanya nang may bahid ng panunumbat. Qur’an 19:28 “O kapatid na babae ni Harun (Aaron)! Ang iyong ama ay hindi isang masamang tao at maging ang iyong ina ay hindi isang maruming babae.” At dahil nga si Maria ay nag-aayuno bilang isang tanda at kautusan, hindi siya nagsalita bagkus itinuro niya ang batang sanggol. Sadyang ang salaysay na ito ay makabagbag damdamin at tunay na ang kapahayagang ito ay isang palatandaan ng malinis at wagas na puso ng isa sa mga dakilang babae ng sangkatauhan. Qur’an 19:29 “At kanyang itinuro siya (ang sanggol). Sila (mga tao) ay nagwika: “Paano namin makakausap ang isang batang (musmos) na nasa duyan?” Sa talata sa itaas, ganap na nagtaka ang mga tao kung bakit niya itinuro ang bagong silang na sanggol na hindi pa makapagsalita. Subalit, ang himala ay naganap. Ang sanggol na si Isa (Hesus) ay nagsimulang mangusap at nagpatunay na siya ay isang pagpapala mula sa Makapangyarihang Diyos. Ito ay isang banal na salaysay na nagbigay na dakilang kalagayan ni Isa (Hesus). Ang kanyang himalang pagsasalita mula sa kamusmusan ay palatandaan ng Makapangyarihang Gawa ng Dakilang Tagapaglikha (swt). At ito rin ay isang kahanga-hangang patunay sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Allah (swt) kay Isa (Hesus) bilang isa sa Dakilang Propeta at Sugo ng Allah. Qur’an 19:30-34 “Siya (Isa [Hesus]) ay nagsabi: “Tunay na ako ay alipin ng Allah: Ako ay binigyan ng Kasulatan at ginawa Niya akong Propeta. At ako ay Kanyang pinagpala saan man ako naroroon at ipinag-utos sa akin ang pagdarasal at kawanggawa habang ako ay nabubuhay. At maging masunurin sa aking ina at hindi Niya ako ginawang suwail na mapagmataas. At kapayapaan sa akin sa araw na ako ay isinilang, at sa araw na ako ay mamamatay at sa araw na ako ay muling ibabangon. ‘Yaon ay si Isa (Hesus), ang anak ni Maryam (Maria). (Ito ay) Isang pahayag ng katotohanan tungkol dito na kanilang pinag-aalinlanganan.” Ito ang pinakamahalagang yugto sa buhay ni Maria at ang himalang umugnay sa kanya at sa kanyang dakilang anak - si Isa (Hesus). Habang panahon, ang salaysay na ito ay mananatiling isang patunay sa kadakilaan ni Maria at ni Isa (Hesus). Ang mga Katangian ni Maria Si Tirmidhi, ang isa sa pinananaligang matuwid at pantas na mananalaysay ay nag-ulat na ayon kay Ali bin Abi Talib, sinabi ng Sugo ng Allah (sas)na: “Ang pinakadakilang babae (sa kanyang kapana-hunan) ay si Maryam (Maria), ang anak na babae ni Imran, at ang pinakadakilang babae (sa panahon ng Propeta Muhammad) ay si Khadijah (ang kanyang asawa), anak na babae ni Khuwaylid.” At ayon sa pagtatala ni Ibn Jarir, isinalaysay ni Abu Musa Al Ash’ari na sinabi ng Sugo ng Allah (sas)na: “Maraming lalaki ang nakamtan ang ganap na pananalig at (nguni’t) mula sa mga babae, si Maryam (Maria) na anak na babae ni Imran at si Asiyah, na asawa ni Fir’aun (Paraon) ang nakatamo ng kaganapan.” Si Maria at ang Babaing Muslim Maraming panahon na ang lumipas. Sa makabagong takbo ng buhay, tanging babaeng Muslim lamang ang nananatiling may pagkakahalintulad sa pananamit ni Maria. Ipinag-uutos ng Islam sa babaeng Muslim bilang isang marangal na mananampalataya na panatilihing maayos ang pananamit sa pamamagitan ng pagkubli sa anumang bahagi ng katawan na maaaring maging sanhi ng kawalan ng dangal at paggalang. Para sa isang babaeng Muslim, si Maria ay larawan ng isang marangal na babae na dapat tularan sa gawa, kilos at kaayusan. Siya ay isang inspirasyon na hindi maaaring maglaho magpakailanman sapagka’t siya ay bahagi ng relihiyong Islam – ang pinagpalang relihiyon ng Dakilang Maykapal. Sa aming paglalahad tungkol sa katauhan ni Maria, ang Dakilang Ina ni Isa (Hesus), ating matatagpuan ang isang banal na pagsasalaysay na kailanman ay hindi natagpuan sa mga aklat ng ibang relihiyon. Bagaman, ang Kristiyanismo ay isang relihiyon na umiinog sa katauhan ni Isa (Hesus) at tuwirang umuugnay kay Maria, walang magandang salaysay na maaaring tunghayan sa pahina ng kinikilala nilang Kasulatan – ang Bibliya. Nguni’t, ang Banal na Qur’an, bilang Huling Kapahayagan ng Dakilang Maykapal ay siyang tanging aklat na nagtanggol sa mga maling paratang na iniuugnay sa katauhan ni Maria at ni Hesus. Ito ay palatandaan at isang katotohanan, na higit na may karapatan ang relihiyong Islam na ibantayog sa buong sangkatauhan ang isa sa mga dakilang babae ng Sangkatauhan – si Maria, ang ina ni Isa (Hesus), ang Dakilang Propeta at Sugo ng Makapangyarihang Diyos – ang Allah (swt). |
| Last Updated on Thursday, 27 August 2009 02:32 |